Saturday 12 November 2011

ASIMO

      Isa sa mga dinedebelop ngayon at ineembento ay ang pag gawa ng perektong "robot" na makaka tulong sa mga tao sa kanilang araw-araw na gawain. Marami nang nagawa na robot tulad ng mga makinang nasa mga planta o pagawaan ng mga makabagong kagamitan at sasakyan. Tumutulong sila upang pabilisin ang proseso sa produksyon at upang maka iwas sa anu mang sakaling sakuna na dulot ng mano manong paggagawa ng produkto.

     At isa sa mga pianka bago at hi-tech na "robot" ngayon at si Asimo na gawa ng kompanya ng Honda sa bansang Japan. Si Asimo ay nakaka gawa na ng mga reaksyon na ginagawa na din ng isang tao; tulad nalang ng paglalakad, pag akyat sa hagdan at pakikipag usap. Ngayon ay nakakapag bukas na sya ng isang canister at kaya narin nyang isalin ang laman nito sa isang lalagyan ng hindi natatapon sa lalagyan. Sya na nga ang pinaka bagong gawa ng tao sa panahon na ito at hindi natin alam ang maari pa niyang gawin sa mga susunod na henerasyon.

     Maaring marami ngang maitutulong ang mga "robot" sa ating mga tao. Pero marami ding nawawalan ng trabaho ng dahil sa mga paggawa sa kanila. At hindi narin malabo na baka isang araw ay sila na ang katabi natin sa ating pag tulog. At ang pinaka malala na ang pag palit nila sa mga tao na naninirahan sa mundo. Ang "robot" ay maganda kung sa mabuti lang din natin gagamitin. At lahat din naman ng gamit na ineimbento ngayon ay may limitasyon at halos lahat din naman sa kanila ay nag loloko pag hindi maayos ang pagkaka gamit at kung hindi na mintena ng maayos. 

     Magamit sana ng maayos ng mga tao ang mga imbensyon na "robot" na pinag hirapan ng buoin ng mga tanyag na imbentor. At sana hindi ito ang maging mitsa ng pagka wala ng mga tao sa mundo.

ONLINE VIEWING

        Ito ang isa sa mga aplikasyon sa internet kung saan ay maari mong makita ang anu mang meron sa ibang lugar o kahit sa ibang bansa. Sa pamamagitan ng internet naipapakita ng isang tao ang mga pangyayari o nagaganap sa isang lugar. Tulad nalang ng laban ni Pacquiao at Marquez; maaring mapanood ng kung sino man ang laban ng "live" o ung "on the spot" mismo. Pero karamihan sa mga online viewing ay may bayad mangilan-ngilan lang din yung libre.

       Marami nang gumagamit nito lalo na yung mga taong malalayo sa kanilang mahal sa buhay para makita ang kanilang pamilya o kamag anak. Ginagamit na din ito para sa mga negosyo tulad ng "e-libing" na ginagamit ng St. Peter; maari nang makita ng mga tao ang kanilang yumao na mahal sa buhay kahit sila ay nasa malayong lugar. Parang hindi kana din nalayo sa iyong mahal sa buhay.

      Isa lamang ito sa mga aplikasyon na meron sa internet ngayon. Maaring magamit pang negosyo o pang sosyal na interaction. Marami pang mga aplikasyon na makakatulong sa mga tao ngayon. Hindi lang masyadong napapansin ng at hindi lang sikat sa panahon ngayon.


OMNITOUCH

           Ang OMNITOUCH ay ang maka bagong teknolohiya na kasalukuyan pa lamang dinedebelop sa ibang bansa upang maging maayos at kaayaayang gamitin ng mga gagamit. Sa teknolohiyang ito ay maari nang manipulahin ng gumagamit ang mga "icon" ng tulad sa mga bagong cellphone at computer, maari ka ding makapag internet o e-mail sa mga bagay na pwede nitong i-project tulad ng ding-ding, sa ibabaw ng lamesa at sa papel. At maski sa palad mo ay maari mo na itong magamit ng para kang nagkaroon ng touchscreen na cellphone sa iyong palad.

             Kasama sa mga itinuturing na "special features" nito ay ang makapag guhit ka sa kahit saan ka mang lugar. Ngunit tulad nga ng sinabi ko kanina kasalukuyan pa lamang nilang inaayos at pinapa ganda ang kanilang unang imbensyon dahil narin sa kalakihan nito na halos ang buong balikat mo ay lamunin na ng gadyet na ito. Nais pa nila itong paliitin at palawakin ang mga nagagawang bagay ng imbensyon nila upang mas maging mapaki pakinabang at mas madaling gamitin ng mga tao.

Sunday 14 August 2011

ANG AWIT NG AKING BUHAY

      Ang awit na kumakatawan sa aking buhay ay ang awit ng "Thanks to you" na kinanta ni Tyler Collins. Dahil para sa akin ang buhay ay isang malaking pasasalamat sa ating Panginoon. Pasasalamat sa mga bagay na nangyayari sa akin araw-araw, sa mga pagsubok na nagbibigay sa akin nang mga aral upang ako ay lalo pang maging matibay sa hamon ng buhay, sa mga biyayang natatanggap at sa buhay na aking tinatamasa sa ngayon.

      Pasasalamat sa aking Pamilya. Sa mga magulang na nagbigay sa akin ng kalinga, sa mga bagay na kanilang ginagawa para sa aking ikakabuti, mga pagsasakripisyo upang maibigay ang lahat para sa aming magkakapatid kahit na sa sobrang pasaway namin ay nandyan parin sila upang ituwid kami sa aming mga pagkakamali. Alam ko mahirap maging tulad nila dahil nakikita ko at naiindtindihan ko na ngayon kung ano ang mga bagay na ginagawa ng isang magulang para sa kanilang mga anak. Gagawin nila ang lahat upang mabigyan lang sila ng magandang buhay.

      Pasasalamat sa aking mga kaibigan. Dahil sila yung isa sa mga taong magbibigay kasiyahan sa akin sa tuwing ako ay walang magawa sa buhay. Kahit sa mga kalokohan na ginagawa namin may mga bagay din akong natutunan sa mga kaibigan ko, mga aral na nagagamit ko at nakaka tulong sa akin.

     At pasasalamat sa pinaka mahalagang tao sa aking buhay. Dahil sa kanya ako ay namulat muli sa mga dapat kong gawin sa aking buhay, sa pagmamahal at sa pag iintindi sa akin kahit na minsan ako ay masyadong makulit. Salamat dahil nandyan ka lagi at handang sumuporta sa akin at nagpapa ngiti sa akin tuwing ako'y nalulungkot.  

     Sila ang dahilan kung bakit ako nandito at nagpapatuloy sa mga hamon sa aking buhay. Sila ang aking pinasasalamatan ng lubos, minamahal at pinahahalagahan. 

Saturday 13 August 2011

SAMPUNG TAON MULA NGAYON

        Sampung taon mula ngayon isa na akong ganap na matagumpay na tao sa kursong aking tinapos. May magandang trabaho at may simpleng buhay. Magtatayo ako ng magandang negosyo upang may iba pa akong pagkakitaan bukod sa aking trabaho, negosyong magbibigay trabaho sa ibang tao upang makatulong ako sa kapwa ko pilipino at pagkakalibangan ko din sa tuwing wala akong ginagawa. At patuloy kong alagaan ang aking mga magulang bilang kapalit sa mga ginawa nilang pagsasakripisyo sa pagpapalaki at pagpapa-aral sa akin. Unti-unti ko naring bubuoin ang aking pangarap na maganda at masayang pamilya.

        Lahat ng mga pangarap ko sa buhay ay unti-unti narin sigurong matutupad sa loob ng sampung taon. Ngunit hindi din maalis ang mga pagbabago sa aking buhay. Maaring may mawala, maaring may mga bagong dumating, may mga panahong kailangang masaktan pero may mga kapalit naman lahat ng mga paghihirap. Ang buhay para sa akin ay isang palaisipan, kung hindi ko hahanapin ang daan palabas hindi ko din mababago ang buhay na aking kinalalagyan. Maraming mga pagkakataon na dumadating, kung hindi ko susubukang hanapin ang mga paraan upang makaahon sa buhay hindi ko din mababago ang aking kapalaran.

        At ang mga bagay lang na aking gagawin ay ang mga bagay na makakabuti para sa akin at makakatulong sa aking pamilya. Hindi ko naman hinangad na magkaroon na sobra-sobrang kayamanan sa buhay. Ang nais ko lang ay ang makasama ko ang aking mga mahal sa buhay ng tahimik, masaya at sama-sama. Para sa akin yun ang pinaka mahalagang kayamanan na nais kong makamit hindi man sa loob ng sampung kundi isang simpleng pangarap na dapat kong makamit na pang habang buhay.

Saturday 6 August 2011

SI CRUSH

           Si crush ay ang taong ngayon ay aking minamahal. Noon nung una ko pa lang nakita ang aking crush ay nagiliwan ko na siya agad. Nalilito pa nga ko noon dahil sa pagkakahalintulad niya sa kaniyang kaibigan ngunit, nang nag tagal ay nalaman ko narin naman ang kanilang pagkakaiba.

           Ang aking crush ay isang simpleng babae lamang, walang ibang hanggad kundi ang magkaroon ng maganda, simple at tahimik na buhay. Hindi siya nabubuhay sa mga materyal na bagay na meron siya at labis niyang pinahahalagahan ang mga taong kanyang minamahal sa buhay. Tulad ng ibang lalaki hanggad ko din ang magkaroon ng mabuti at magandang makakasama. Ang "swerte" ika nga dahil siya ay aking nakilala at kung inyong susuriin kasi hindi siya yung tulad ng ibang babae na puro gimik lang ang inaatupag. 

          Kaya naman nung nag-aaral pa lamang siya ay naging maganda ang kanyang mga nakukuhang grado at muntik pa nga niyang makuha ang pwestong Cum Laude sa kursong B.S. Biology. Siguro wala siyang ibang ginawa kundi mag-aral nang mag-aral at siguro ang alam lang niyang puntahan noon ay ang kanilang bahay at ang eskwelahan. 

          Bunso siya sa kanilang anim magkakapatid at dahil din dito kaya ko rin siya hinangaan ng sobra. Dahil ang alam ko sa mga bunso ay "spoiled" daw at walang pakielam sa buhay. Ngunit iba siya sa mga bunso dahil wala sa mga nabanggit ko ang kaniyang pagkatao. Labis ang kaniyang pagmamahal sa kaniyang mga magulang at handa siyang gawin ang lahat para lamang sa kanila. Doon ko nakilala ng lubos ang aking crush sa pagpapahalaga niya sa mga taong nagpalaki at nag-aruga sa kanya, ang kanyang Pamilya.

          Konserbatibo at tunay ngang pilipinang pilipina ang aking crush kasi hindi siya katulad ng ibang babae na sunod sa uso ang pananamit sa katawan. Siya yung tipo na babaeng hindi nanaising mag suot ng magagarang damit, mag lagay ng kung ano-anung mga aksesoris at mag pahid sa katawan ng mga kung ano-anung mga "make-up". Kaya nga nakakatuwa dahil natural ang lahat sa kanya.

          Pero wala namang perpektong tao diba, kaya para sa akin ang kanyang hindi magandang ugali ay ang kanyang pagiging matampuhin. Konting hindi lang pagkakaunawaan ay agad na niyang pagtatampuhan pero nakakatuwa din kasi para siyang bata. Yung sobrang pagtatampo niya ay mapapawi mo kung bibigyan mo siya simpleng mga bagay na gusto niya o yung ikatutuwa niya. Masiyahing tao ang aking crush kaya natutuwa ako sa tuwing nakikita ko siyang masiya.

          Ito ang aking crush at masaya ako pag lagi ko siyang kasama. Ang aking crush ay tunay ko ding mahal. At nais kong makasama siya habang buhay. . .      

            

AKO BILANG ISANG BAGAY

               Bilang isang bagay maihahalintulad ko ang aking sarili sa isang "Aklat". Aklat, dahil alam kong makakapag bigay ako nang aral sa mga taong nakakakilala sa akin. Tulad ng isang aklat maari mo rin akong basahin at maintindihan kung ikaw ay interesado sa aking nilalaman. Isang aklat na kahit sino ay maaring bumuklat at bumasa sa akin dahil bukas ako sa lahat ng taong nais akong maging kaibigan, makikita mo rin sa akin kung sinu-sino ang bumubuo sa aking pagkatao.

              Ako ang aklat na sigurado kong magigiliwan mong basahin dahil sa makulay kong buhay. Puno ng pangarap, pag-asa, pag-ibig, lungkot at ligaya na kapupulutan ng aral sa bawat mang babasa dahil sa mga kakaiba kong mga ekspiryensa sa aking buhay. Maari mo akong balewalain o itago sa iyong aklatan at pagka ingatan upang hindi ako mawala sa iyong harapan. Maraming pwedeng mag may ari sa akin ngunit alam kong sa isang tao lang ako nararapat na manatili.

             At mananatili lang ako sa taong nagpapahalaga sa akin, sa lubos na nakakaintindi at nagmamahal sa akin.