Friday 5 August 2011

Pagpanaw

     Ako si Dan biktima ng sakit na Cancer na patuloy na sumasailalim sa mahabang gamutan upang tumagal pa ang aking buhay. Hanggang ngayon hindi ko malaman kung ano ba ang sakit na cancer ngunit naririnig ko sa aking mga mmagulang na isa daw itong sakit na nagpapaikli ng aking buhay. Hindi ko malaman ang aking gagawin upang maalis ang lungkot at sakit na aking nararamdaman.

     Minsan tuwing umaga dumudungaw ako sa bintana at dinadama ko nalang ang hangin na dumadampi sa aking buong katawan at pinapakinggan ko ang huni ng mga ibon na wari'y nag aalay nang kanilang awitin para sa aking pag-alis. Sa gabi naman ay tinatanaw ko ang buwan at mga bituin na nakahimlay sa buong kalangitan.

     Sa ganitong gawaing ko nalang inaaliw ang aking sarili upang makalimutan ang bawat pasakit dumadaan. Dahil sa bawat ikot ng kamay nang orasan, at sa bawat araw na lumilipas lalo lang nadaragdagan ang sakit na aking nararamdaman.Hindi sa sakit na itinuturok sa aking murang katawan kundi ang sakit ng pag-aalala sa aking mga mahal sa buhay at sa mga taong nagbibigay sa akin ng kasiyahan sa aking buhay. Ngunit sila'y aking maiiwan sa aking paglisan.

     Unti-unti naring nauubos ang aking panahon sa pamamalagi ko dito sa mundong aking ginagalawan dahil parang isa nalang akong kandila na nauubos at naghihintay na mawala ang liwanag na aking taglay. Ganito pala ang pakiramdam, ang pakiramdam ng isang taong lilisan na. Malungkot at hindi ko malaman ang maaring pang gawin upang mapigilan ang tinadhana ng panahon para sa akin.

     Hindi ko narin alam ang mga bagay na maaring mangyari sa mga susunod pang araw na darating. Siguro ang dapat ko nalang gawin ay ang tanggapin kung ano man ang susunod na mangyayari. At kung bibigyan man ako nang isang hiling?. .Hihilingin ko na sana maging masaya ako sa lugar na kung saan talaga ako nararapat dalhin at maging masaya lahat nang aking mahal sa buhay.

No comments:

Post a Comment